MANILA, Philippines — Matagumpay na tinapos ng Team Philippines ang kampanya nito tangan ang apat na ginto, dalawang pilak at 12 tansong medalya sapat para sa ika-17 puwesto sa katatapos na 19th Asian Games sa Hangzhou, China.
Unang humirit ng gintong medalya si Paris Olympics-bound Ernest John ‘EJ’ Obiena nang wasakin nito ang Asian Games record sa men’s pole vault.
Pinagharian ng world No. 2 at World Championships silver medalist ang event bunsod ng nilundag nitong 5.90 metro sa Hangzhou Olympic Sports Centre Stadium noong Setyembre 30.
Binura ni Obiena ang 5.70m Asian Games record na naitala ni Seito Yamamoto ng Japan noong 2018 edisyon sa Jakarta, Indonesia.
Nagdagdag din si two-time world champion at 2018 Asian Games bronze medalist Meggie Ochoa ng gintong medalya nang mamayagpag ito sa women’s ju-jitsu.
Tinalo ni Ochoa si Balqees Abdulla ng United Arab Emirates sa ju-jitsu women’s -48kg finals.
Hindi rin nagpahuli si ju-jitsu artist Annie Ramirez na nakasiguro ng gintong medalya sa women’s -57kg class kung saan iginupo nito si Galina Duvanova ng Kazakhstan sa finals.
Mas lalo pang nagdiwang ang Team Philippines nang masungkit ng Gilas Pilipinas ang gintong medalya para tuldukan ang anim na dekadang pagkauhaw nito sa ginto.
Pinatumba ng Gilas Pilipinas ang Jordan sa pamamagitan ng 70-60 demolisyon upang makuha ang unang ginto ng Pilipinas sa Asian Games sapul noong 1962.
Galing naman kina Arnel Mandal ng wushu (men’s sanda 56kg) at Paris Olympics-bound Eumir Marcial ng boxing (boxing 80kg.) ang dalawang pilak na medalya.