MANILA, Philippines — Matapos si world jiu-jitsu champion Meggie Ochoa ay si Annie Ramirez naman ang nagbigay ng gold medal para sa Pilipinas sa 19th Asian Games kahapon sa Hangzhou, China.
Nakolekta ng bansa ang ikatlong ginto matapos talunin ni Ramirez si Galina Duvanova ng Kazakhstan, 2-0, sa finals ng women’s -57 kilogram division.
“I think it’s all in the perfect time, and also maybe God saw my hard work,” umiiyak na pahayag ng three-time Southeast Asian Games champion matapos ang laban. “I’m really for the team, and I’m happy for the team and not just for myself.”
Noong Huwebes ay inangkin ni Ochoa ang gold sa women’s 48 kilogram class laban kay Balqees Abdulla ng United Arab Emirates para idagdag sa naunang panalo ni World No. 2 pole vaulter Ernest John Obiena.
Kagaya nina Obiena at Ochoa, tatanggap din si Ramirez ng cash incentive na P2 milyon mula sa Philippine Sports Commission (PSC) at cash bonus na P1 milyon galing sa Philippine Olympic Committee (POC).
Patungo sa gold medal round ay tinalo ni Ramirez si Thi Thuong Ie ng Vietnam sa Round of 16 bago isinunod si Fiona Toh ng Singapore sa quarterfinals at dinomina si Shamsa Alameri ng UAE sa semifinals.