3rd gold ng Pinas!

Bagama’t nasa ilalim ay tinalo pa rin ni Pinay jiujitsu expert Annie Ramirez si Galina Duvanova ng Kazakhstan sa fi nals ng women’s -57kg para sa Asian Games gold.
STAR/ File

Sinikwat ni Ramirez

MANILA, Philippines — Isang gold at dalawang bronze medals ang kinolek­ta ng Team Philippines para sa pinakamabungang kampanya sa 19th Asian Games kahapon sa Hangzhou, China.

Nagpatumba si jiu-jitsu master Annie Ramirez ng gintong medalya matapos talunin si Galina Duvanova ng Kazakhstan, 2-0, sa finals ng women’s -57 kilogram division.

Ito ang ikatlong gold ng Pinas matapos ang panalo nina world jiu-jitsu champion Meggie Ochoa sa women’s 48 kilogram class at World No. 2 Ernest John Obiena sa men’s pole vault.

Noong 2018 Asian Ga­­mes na idinaos sa Palembang, Indonesia ay nag-uwi ang mga Pinoy athletes ng kabuuang apat na gold, dala­wang silver at 15 bronze medals para tumapos sa No. 19 sa overall standings.

Ang karagdagang dalawang tansong medalya ay nagmula kay jiu-jitsu expert Kaila Napolis at kina Rheyjey Ortouste, Jason Huerte, Ronsited Gaba­yeron, Mark Joseph Gonzales at Jom Lerry Rafael sa sepak takraw.

Dinomina ni Napolis si Hessa Alshmsi ng United Arab Emirates, 4-2, sa semifinals ng women’s -52kg category para sikwatin ang bronze.

Nagkasya sa tanso ang national sepak takraw team makaraan ang 0-2 pagyukod sa Malaysia sa semifinals ng men’s regu category.

Samantala, minalas si Jamie Lim sa quarterfinals nang malusutan ni Assel Kanay ng Kazakhstan, 0-1, sa women’s -61 kg event.

Talsik din sa quarterfinals si John Christian Lachica matapos ang 1-4 kabiguan kay Ari Saputra ng Indonesia sa men’s -60 kilogram class.

Sa men’s baseball, mi­nasaker ng mga Pinoy batters ang Thailand, 11-1, sa second stage placement round.

Muling dinomina ng host China ang Asiad sa nakolektang 185 golds, 104 silvers at 59 bronzes sa itaas ng Japan (44-55-60), Korea (36-47-83), India (21-34-36) at Uzbekistan (19-18-26) para sa top five.

Show comments