3rd gold ng Pinas!
Sinikwat ni Ramirez
MANILA, Philippines — Isang gold at dalawang bronze medals ang kinolekta ng Team Philippines para sa pinakamabungang kampanya sa 19th Asian Games kahapon sa Hangzhou, China.
Nagpatumba si jiu-jitsu master Annie Ramirez ng gintong medalya matapos talunin si Galina Duvanova ng Kazakhstan, 2-0, sa finals ng women’s -57 kilogram division.
Ito ang ikatlong gold ng Pinas matapos ang panalo nina world jiu-jitsu champion Meggie Ochoa sa women’s 48 kilogram class at World No. 2 Ernest John Obiena sa men’s pole vault.
Noong 2018 Asian Games na idinaos sa Palembang, Indonesia ay nag-uwi ang mga Pinoy athletes ng kabuuang apat na gold, dalawang silver at 15 bronze medals para tumapos sa No. 19 sa overall standings.
Ang karagdagang dalawang tansong medalya ay nagmula kay jiu-jitsu expert Kaila Napolis at kina Rheyjey Ortouste, Jason Huerte, Ronsited Gabayeron, Mark Joseph Gonzales at Jom Lerry Rafael sa sepak takraw.
Dinomina ni Napolis si Hessa Alshmsi ng United Arab Emirates, 4-2, sa semifinals ng women’s -52kg category para sikwatin ang bronze.
Nagkasya sa tanso ang national sepak takraw team makaraan ang 0-2 pagyukod sa Malaysia sa semifinals ng men’s regu category.
Samantala, minalas si Jamie Lim sa quarterfinals nang malusutan ni Assel Kanay ng Kazakhstan, 0-1, sa women’s -61 kg event.
Talsik din sa quarterfinals si John Christian Lachica matapos ang 1-4 kabiguan kay Ari Saputra ng Indonesia sa men’s -60 kilogram class.
Sa men’s baseball, minasaker ng mga Pinoy batters ang Thailand, 11-1, sa second stage placement round.
Muling dinomina ng host China ang Asiad sa nakolektang 185 golds, 104 silvers at 59 bronzes sa itaas ng Japan (44-55-60), Korea (36-47-83), India (21-34-36) at Uzbekistan (19-18-26) para sa top five.
- Latest