MANILA, Philippines — Dadagitin ng nagdedepensang Ateneo ang ikalawang sunod na panalo na hangad din ng Adamson University sa kanilang upakan sa UAAP Season 86 men’s basketball tournament.
Ngayong alas-11 ng umaga maghaharap ang Blue Eagles at Falcons kasunod ang banatan ng University of the Philippines Fighting Maroons at National University Bulldogs sa ala-1 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum.
Magtatagpo sa alas-3 ng hapon ang University of Sto. Tomas Growling Tigers at La Salle Green Archers habang ang laban ng Far Eastern University Tamaraws at University of the East Red Warriors sa alas-5 ang magsasara ng mga aksyon.
Magkasosyo sa liderato ang UP at NU sa kanilang 2-0 record kasunod ang Ateneo (1-1), UE (1-1), Adamson (1-1), La Salle (1-1), UST (0-2) at FEU (0-2).
Umiskor ang Blue Eagles ng 77-72 panalo sa karibal na Green Archers sa likod ng game-high 19 points ni Chtis Koon.
Nakuha rin ng Falcons ang una nilang panalo sa dramatikong 79-76 overtime win sa Growling Tigers tampok ang pagbibida ni Joem Sabandal.