Marcial pasok sa Asiad finals, Paris Olympics
MANILA, Philippines — Inilabas ni Tokyo Olympics bronze medalist Eumir Marcial ang buong puwersa nito upang makahirit ng silya sa finals ng 19th Asian Games kalakip ang awtomatikong tiket sa 2024 Paris Olympics.
Humanap ng tamang tiyempo si Marcial bago pinakawalan ang solidong suntok upang mapatumba si Ahmad Ghousoon ng Syria sa men’s 80 kg. division kahapon sa Hangzhou, China.
Nagawa ito ni Marcial may 49 segundo na lamang ang nalalabi sa second round ng kanilang semis bout.
Una nang tinalo ni Marcial sina Dalai Ganzorig ng Mongolia sa Round of 32, Nguyen Manh Cuong ng Vietnam sa Round of 16 at Weerapon Jongjoho ng Thailand sa quarterfinals.
Susubukan ni Marcial na masikwat ang ikalawang gintong medalya ng Pilipinas sa Asian Games.
Subalit mapapalaban ito ng husto dahil makakaharap ni Marcial si Tanglatihan Tuohetaerbieke ng host China.
Nakatakda ang finals nina Marcial at Tuohetaerbieke ngayong araw sa alas-8:30 ng gabi.
Nakapasok sa finals si Tuohetaerbieke matapos payukuin si Turabek Khabibullaev ng Uzbekistan sa pamamagitan ng split decision win sa hiwalay na semis match.
Sa pagpasok sa finals, nalampasan na ni Marcial ang kanyang bronze medal finish noong 2018 Asian Games sa Jakarta, Indonesia.
- Latest