MANILA, Philippines — Bigo si world champion Carlos Edriel Yulo na makahirit ng tiket sa men’s all-around final sa 2023 FIG Artistic Gymnastics World Championships na ginaganap sa Sportspalais sa Antwerp, Belgium.
Nagtapos lamang si Yulo sa ika-59 puwesto bunsod ng nalikom nitong 67.765 dahilan para mabigo itong makakuha ng silya sa 2024 Paris Olympics.
Gayunpaman, may tsansa pa si Yulo na magkwalipika kung saan kailangan nitong manguna sa floor exercise event.
Kasalukuyan itong nasa ikatlong puwesto sa floor exercise tangan ang 14.600 puntos.
Kung ang mga atletang nasa unahan sa final ranking ay nagkwalipika na sa Paris Olympics, awtomatikong ibibigay ang tiket sa mga kasunod na atleta.
Nagtala ang 23-anyos Pinoy gymnast ng 14.666 puntos sa parallel bars, 14.600 sa floor exercise, 13.700 sa horizontal bar at 13.233 sa pommel horse.
Subalit nagkasya lamang ito sa 11.566 puntos sa still rings at 13.533 puntos sa vault.
Ito ang unang pagkakataon na sumalang si Yulo sa kumpetisyon na wala si Japanese coach Munehiro Kugimiya.
Kinumpirma ni Gymnastics Association of the Philippines Cynthia Carrion na hindi na si Kugimiya ang coach ni Yulo.
Pansamantalang humalili si Aldrin Castaneda.
Wala pang pahayag sina Yulo at Kugimiya sa paghihiwalay ng landas nito.
Hindi lumahok si Yulo sa 19th Asian Games sa Hangzhou, China para pagtuunan ng pansin ang kwalipikasyon nito sa Paris Olympics.