MANILA, Philippines — Isang silver at tatlong bronze medals ang tiniyak ng tatlong wushu artists at ng isang Pinay tennis sensation para hindi mablangko sa medalya ang Pilipinas sa 19th Asian Games kahapon sa Hangzhou, China.
Wagi sa semifinals si sanda fighter Arnel Mandal laban kay Avazbek Amanbekov ng Kyrgyzstan, 2-0, para umabante sa finals ng men’s 56 kilogram at makasiguro ng pilak na medalya.
Minalas si Clemente Tabugara kay Samuel Marbun ng Indonesia, 0-2, sa semis ng men’s 65 kilogram para makuntento sa tanso kagaya ni Gideon Fred Padua na hindi na pinalaban sa men’s 60 kilogram dahil sa kanyang injury.
Sa wushu rin nagmula ang ikalawang bronze ng Pinas mula kay Jones Llabres Inso sa men’s taijiquan-taijijian event noong Lunes.
Sigurado na rin sa tanso ang 18-anyos na si Alex Eala matapos talunin si Japanese Okamura Kyoka, 0-6, 7-5, 6-0, papasok sa semis katapat si top seed Zheng Qinwen ng China.
Samantala, walang nahukay na ginto sina 2018 Asiad champion Margielyn Didal at Renzo Mark Feliciano sa finals ng women’s at men’s street event, ayon sa pagkakasunod.
Parehong hindi nakumpleto nina Didal at Feliciano ang kanilang mga tricks sa medal round
Sa men’s basketball, target ng Gilas Pilipinas ni coach Tim Cone ang pagtatayo ng 2-0 baraha sa Group C sa pagsagupa sa Thailand ngayong alas-11 ng umaga.
Dinomina ng Gilas U23 team ang Hong Kong, 21-15, para iposte ang 3-0 kartada sa men’s 3x3 tournament habang giniba ng Gilas Women ang Kazakhstan, 83-59, tampok ang 21 points ni Janine Pontejos.
Sa gymnastics, minalas sa medalya si Kursten Rogue Lopez sa women’s all-around finals ng artistic gymnastics.
Talo rin sina taekwondo jins Arven Alcantara, Laila Delo at Dave Cea sa kanilang mga laban.
Inalat sa medalya sina swimmers Kayla Sanchez, Xiandi Chua, Teia Salvino, Jasmine Alkhaldi at Jarold Hatch sa kanilang mga events.
Sa esports, nagtala ang Sibol team ni Robert de Guzman ng 1-1 marka sa Group B para makaabante sa quarterfinals ng Dream Three Kingdoms 2 event.
Sa judo, minalas sina Olympian Kiyomi Watanabe, Ryoko Salinas, John Viron Ferrer at Carl Dave Aneseta sa kanilang mga laban sa mixed team event.