MANILA, Philippines — Nagpakitang-gilas agad si Justin Brownlee para sa Gilas Pilipinas nang trangkuhan ang higanteng 89-61 panalo kontra sa Bahrain para sa magandang panimula sa 2023 Asian Games kahapon sa Hangzhou Olympic Sports Centre Gym sa China.
Kagaya ng kanyang ipinamalas sa Cambodia sa Southeast Asian Games kung saan nabawi ng Gilas ang gintong medalya, walang kupas ang naturalized player na si Brownlee tungo sa paglista ng kumpletong 20 puntos, 9 rebounds, 3 assists, 3 steals at 1 tapal.
Sumuporta sa kanya sina Ange Kouame at CJ Perez na may tig-15 puntos habang may 10 din si Calvin Oftana para sa maugong na debut win ng Gilas upang manguna agad sa Group C hawak ang 1-0 kartada.
Susubok ang Gilas na maka 2-0 agad at mapalakas ang tsansa sa playoffs kontra sa Thailand bukas.
Hindi pa agad nakaalagwa ang Gilas sa laban, 22-18, matapos ang first quarter, bago nagpakawala ng 29-15 birada sa second period upang makapagbaon ng 51-33 bentahe sa halftime.
Lumamang pa ang Gilas ng hanggang 34 puntos tungo sa 28-point win kahit pa bago pa lang ang koponan sa gabay ni head coach Tim Cone dagdag pa ang mga replacement players nang hindi payagan ang ibang manlalaro.
Sa ilalim ni Cone na siya ring head coach ng Philippine Centennial team na huling nag-uwi ng bronze medal sa bansa noong 1998 Asian Games ay determinado ang Gilas na makabalik sa tuktok ng kontinente.