Perez isinalba ang Team Philippines

Ibinigay ni Patrick King Perez ang unang medalya ng Pilipinas sa 19th Asian Games.
POC /PSC photo

Rower, skateboarders swak sa finals

MANILA, Philippines — Sinimulan ni taekwondo jin King Patrick Perez ang pagkolekta ng Team Philippines ng medalya sa 19th Asian Games kasabay ng pag-entra sa finals ng isang rower at dalawang skateboarders kahapon sa Hangzhou, China.

Nakuntento ang 23-anyos na si Perez sa bronze medal matapos ma­talo kay Asia No. 2 ranked Ma Yun Zhong ng Taiwan sa semis ng freestyle event sa Lin’an Sports Culture and Exhibition Centre.

Umiskor ang 2023 Cambodia Southeast Asian Games gold meda­list ng 6.910 points kumpara sa 7.450 points ni Ma.

Pipilitin din ni Pinay rower Joanie Delgaco na makasagwan ng medalya sa finals ng women’s single sculls event ngayong araw sa Fuyang Water Sports Center.

Lalabanan ng 25-anyos na si Delgaco sina Tokyo Olympics silver medalist Anna Prakaten ng Kazakhs­tan, Shino Yonekawa ng Japan, Liu Ruiqi ng China, Leung Wing Wun ng Hong Kong at Huang Yi Ting ng Chinese Taipei.

Ang  tanso nina Alvin Amposta at Nestor Cordova sa men’s lightweight doubles sculls noong 2002 edition sa Busan, Korea ang huling medalya ng bansa sa Asiad rowing.

Sa skateboarding, swak sa finals si Jericho Jr. Francisco at ang 9-anyos na si Mazel Paris ‘Maze’ Alegado sa skateboarding park event nang tumapos sa No. 3 at No. 7 sa men’s at women’s divisions, ayon sa pagkakasunod, sa qualification.

Bukas rarampa si 2018 Asiad gold medal winner Margielyn Didal sa wo­men’s street heat kasama sina Mark Renzo at John Flory sa men’s street heat.

Sa boxing, dinispatsa ni Mark Ashley Fajardo si Dorji Wangdi ng Bhutan sa first round sa men’s 63.5 kilogram division, ngunit talo si Aira Villegas kay Yesugen Oyuntsetseg ng Mongolia, 1-3, sa women’s 50kg class.

Sa women’s football, target ng Filipinas ang 2-0 baraha sa Group E sa pagharap sa South Korea ngayong  alas-7:30 ng gabi.

Nagmartsa sa quarterfinals sina Floremel Rodriguez at Genesa Es­lapor mula sa 21-15, 21-15 pagdaig kina Leong Ong Leng at Law Weng Sam ng Macau sa women’s beach volleyball.

Sa judo, olats si Leah Jhane Lopez kay Abiba Abuzhakynova ng Kazakhstan via Waza-ari sa Round of 16 ng women’s -48-kilogram at yumukod si Shugen Nakano kay Ryoma Tanaka ng Japan via Ippon sa Round of 16 ng men’s -66-kg event.

Minalas din si wushu artist Agatha Wong sa kanyang fourth-place finish sa taijiquan+taijijian at si fen­cer Sammuel Tranquilan sa men’s foil individual.

Sa esports, nakalasap si gamer Jorrell Aristorenas ng 0-2 kabiguan kay Brunei bet Rashed Alrowaihi sa EA Sport FC Online competitions.

Show comments