MANILA, Philippines — Nasungkit ni Patrick King Perez ang unang medalya ng Pilipinas matapos masikwat ang tanso sa men’s individual poomsae kahapon sa 19th Asian Games na ginaganap sa LA Sports Centre Court 1 sa Hangzhou, China.
Nakasiguro na ng tanso si Perez matapos umabot sa semifinals.
Subalit yumuko ito kay Ma Yun Zhong ng Chinese-Taipei sa Final Four upang magkasya lamang sa tanso.
Nagtala si Perez ng 94.1 puntos sa semifinals kumpara sa nakuha ni Zhong na 104.2 puntos.
Nauna nang pinatumba ni Perez sina Souksavanh Chanthilath ng Laos sa round of 16, 7.700-7.440, kasunod ang paggupo kay Prem Bahadur Limbu ng Nepal sa quarterfinals, 7.560-7.160.
“Asian Games po ito at hindi po ako makapaniwala na naka-bronze po ako. Ang target ko talaga makakuha ng gold pero masaya na po ako sa bronze,” ani Perez.
Bigo naman na makahirit ng medalya si Jocel Lyn Ninobla matapos matalo sa first round pa lamang ng torneo.
Lumasap si Ninobla ng kabiguan sa kamay ni South Korean Cha Yeaeun sa women’s individual round of 16 sa iskor na 7.560-7.680.
Hindi rin pinalad si 2018 Asian Games bronze medalist Agatha Wong na nagkasya sa ikaapat na puwesto sa wushu women’s taijiquan+taijijian event matapos makalikom ng 19.456 points sa Xiaoshan Guali Sports Centre.
Kapos lamang ang 25-anyos na Pinay bet ng 0.21 points para sana maagaw ang tanso kay bronze winner Chen Suijin ng Hong Kong.