MANILA, Philippines — Babandera na naman sa world stage ang bandila ng Pilipinas.
Nakasikwat ng tiket sa 2024 FIBA U17 World Cup ang Gilas Pilipinas boys matapos sibakin ang Japan, 64-59, sa quarterfinals ng 2023 FIBA U16 Asian Championship kahapon sa Al-Gharafa Sports Club Multi-Purpose Hall sa Doha, Qatar.
Tanging apat na koponan lang ang babandera sa Asia-Oceania zone tampok ang Gilas, Australia, China at New Zealand na pasok na lahat sa semifinals.
Makakabangga ng Gilas ang two-time champion Australia habang magsasagupa naman ang China at New Zealand.
Pagbabalik ito ng Batang Gilas sa world stage matapos huling makapasok noong 2018 U19 World Cup sa ilalim ng golden era ng triple towers nina Kai Sotto, Carl Tamayo at AJ Edu, na nakapasok rin sa 2019 FIBA U19 World Cup.
Bumida sa makasaysayang panalo ng mga bataan ni head coach Josh Reyes si Kieffer Louie Alas na tumikada ng 29 puntos, 9 rebounds at 3 asssits.
Solido ang suporta sa kanya ni Joaquin Gabriel Ludovice na may 11 puntos habang may ambag ding 6 puntos si Bonn Ervin Daja tampok ang back-to-back baskets sa huling minuto para selyuhan ang panalo.