Team Philippines handa nang sumabak sa ASIAD
MANILA, Philippines — Handang-handa nang sumabak sa kanilang mga events ang mga miyembro ng Philippine delegation sa 19th Asian Games sa Hangzhou, China.
Kabilang sa mga ito ay sina 2018 Asiad gold medalist Margielyn Didal, fencer Juliana Gomez, ang mag-utol na archers na sina Pia Elizabeth Angel at Gabrielle Monica Bidaure at ang national women’s football team na Filipinas.
Isa ang Pinay skateboarder na si Didal sa mga atletang nag-uwi ng apat na gold medals noong 2018 sa Indonesia.
Halos isang taon hindi sumalang sa mga torneo ang Cebuana skater matapos magkaroon ng fractured ankle noong Oktubre ng 2022 Red Bull Stake Levels sa Brazil.
Sa kabila nito ay kumpiyansa ang 24-ayos na si Didal na makakakuha siya ng medalya sa Hangzhou Asiad.
“Iyong goal is be here, make the finals, and podium,” sabi ni Didal.
Noong 2019 Manila Southeast Asian Games ay nagbulsa si Didal ng dalawang gintong medalya.
Maliban kay Didal, ang iba pang kumuha ng tatlong ginto noong 2018 edition ay sina Tokyo Olympic weightlifting champion Hidilyn Diaz-Naranjo at golfers Yuka Saso (individual at team event), Bianca Pagdanganan at Lois Kaye Go.
Ito naman ang unang paglahok ni Gomez, anak ni actor/sportsman at Team Philippines Chef De Mission Richard Gomez, sa Asiad.
Sasabak ang 22-anyos na si Gomez, ang UAAP gold medalist, sa women’s epee event.
Ang gintong medalya rin ang target ng magkapatid na Bidaure sa kanilang paglahok sa individual at women’s team event ng Olympic recurve.
Sina Pia Elizabeth Angel at Gabrielle Monica ay miyembro ng koponang pumana ng gold medal sa Vietnam SEA Games.
Samantala, makakatapat ng Filipinas ang Hong Kong ngayong alas-4 ng hapon sa Wenzhou Sports Centre Stadium.
Matapos ang Hong Kong ay lalabanan ng Nationals, sumabak sa 2023 FIFA World Cup, ang Korea sa Lunes at ang Myanmar sa Huwebes.
- Latest