MANILA, Philippines — Pumalag ang Gilas Pilipinas boys sa una subalit tumiklop din sa higanteng China, 84-67, sa pagsisimula ng 2023 FIBA U16 Asian Championship kahapon sa Al-Rayyan Indoor Hall sa Doha, Qatar.
Nauwi sa wala ang 20 points, 8 rebounds at 3 assists ni Kieffer Louie Alas, anak ng batikang coach na si Louie at kapatid ni PBA star Kevin ng NLEX Road Warriors, sa maalat na unang sabak ng Nationals.
Nag-ambag din ng 13 at 12 markers sina CJ Amos at Kurt Nathan Velasquez, ayon sa pagkakasunod, subalit kapos pa rin para sa Gilas boys na nakipagsabayan sa first half.
Umabante sa 43-40 ang Nationals at dikit lang sa 43-44 sa halftime subalit nagkasya lang sa 24 points sa kabuuan ng second half tampok tungo sa 17-point loss sa mga Chinese.
Hawak ang 0-1 kartada, susubok ang Gilas na makabawi kontra sa Kazakshtan ngayon upang mapanatiling buhay ang pag-asang makapasok sa susunod na round.
Sunod nilang makakasagupa ang Malaysia na tinalo ang Kazakhstan, 79-71, upang makasosyo sa liderato ng Group D ang China.
Ang top team lamang sa bawat grupo ang aabante sa quarterfinals, habang lalaban sa qualification ang No. 2 at No.3 teams.
Laglag naman ang No. 4 team.
Misyon ng Nationals ni head coach Josh Reyes na malagpasan ang 7th place finish noong nakaraang edisyon na ginanap din sa Doha.