MANILA, Philippines — Sina World No. 3 pole vaulter Ernest John Obiena at Pinay skateboarder Margielyn Didal ang magiging flag bearers ng Team Philippines sa pagbubukas ng 19th Asian Games sa Hangzhou, China.
Ito, ayon kay Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham ‘Bambol’ Tolentino, ay kung puwedeng dalawa ang tumayong flag bearer sa opening ceremony ng quadrennial event na nakatakda sa Setyembre 23.
“Depende kung male or female. Siyempre kung women si Margielyn, kung men si EJ. If both men and women, they are in,” wika ni Tolentino. “They were both informed.”
Si Obiena ay ang unang Pinoy athlete na nag-qualify para sa 2024 Olympic Games na idaraos sa Paris, France.
Isa ring Southeast Asian Games at Asian gold medalist ang 6-foot-2 na si Obiena na kasalukuyang hawak ang national at Asian records.
Isa naman si Didal sa limang atletang kumolekta ng gintong medalya sa nakaraang Asiad na ginanap sa Indonesia noong 2018.
Ang tatlo ay sina Tokyo Olympics gold medal winner Hidilyn Diaz-Naranjo sa weightlifting at golfers Yuka Saso, Bianca Pagdanganan at Kaye Lois Go.
Isang double gold medalist ang Cebuana skater noong 2019 Southeast Asian Games.
Sa kanyang paglahok sa Tokyo Olympics ay tumapos si Didal sa pang-pito sa women’s street skate.
Sina Obiena at Didal ay sasabak sa Hangzhou meet.