MANILA, Philippines — Muling nabigo si World No. 3 pole vaulter Ernest John Obiena kay World No. 1 at Olympic Games champion Armand Duplantis ng Sweden sa final round ng 2023 Wanda Diamond League kahapon sa Eugene, Oregon.
Lumundag ang 27-anyos na si Obiena ng 5.82 meters para makuntento sa silver medal sa ilalim ng bagong world record na 6.23 meters ng 23-anyos na si Duplantis.
Tinalo na rin ni Duplantis si Obiena sa kanilang duwelo sa nakaraang 2023 World Championships noong Agosto 26 na idinaos sa Budapest.
Nalundag ng 6-foot-2 na si Obiena ang 5.82 meters sa kanyang second attempt, habang hindi na sinubukan ang 5.92 meters.
Sa halip ay tatlong beses siyang nabigong matalon ang mas mataas na 6.02 meters na babasag sana sa kanyang personal best mark na 6.0 meters.
Nakuha ni Sam Kendricks ang bronze sa kanyang 5.72 meters.