SBP umaasang papayagan sina Abueva, Perkins sa Asiad

MANILA, Philippines — Nakasalalay sa kamay ng Hangzhou Asian Games Organizing Committee (HAGOC) sa China ang kapalaran nina Calvin Abueva at Jason Perkins sa Gilas Pilipinas para sa 2023 Asian Games.

Nagpupulong as of press time ang kumite sa Delegation Registration Meeting upang pagdesisyunan ang apela ng Philippine Olympic Committee (POC) at Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) na isama ang dalawa sa RP team.

Nauna nang inihayag ng Gilas na dinagdag lamang sina Abueva at Perkins sa koponan kaya dedepende pa sa hatol ng organizers kung mapapa­yagan ang pagbabago sa delegasyon ng bansa.

Bukod kasi sa inisyal na final 12-man line-up ng Gilas, wala rin sa malaking 60-man pool ng bansa sina Abueva at Perkins nang ipasa ang unang listahan ng Philippine basketball delegation noong Hulyo 25.

Ang ibang kasali nga­yon sa Final 12 roster ni head coach Tim Cone ay nasa nasabing listahan.

Ito ay sina naturalized players Justin Brownlee at Ange Kouame, Scottie Thompson, June Mar Fajardo, Japeth Aguilar, Roger Pogoy, Chris Newsome, Calvin Oftana, Mo Tautuaa at Terrence Romeo

Si Stanley Pringle ang ika-13 player subalit bilang reserba muna sakaling hindi nga payagan ng Hangzhou sina Abueva at Perkins para sa Asiad na lalarga sa Setyembre 23 hanggang Oktubre 8.

Nasa kasagsagan ng pinaigting na training camp ang Gilas sa Inspire Sports Academy sa Calamba, Laguna bago sumabak sa tune-up games kontra sa Meralco ng PBA at Changwon LG Sakers ng Korean Basketball League.

Lilipad ang Gilas pa-China sa Hangzhou nga­yong linggo para sa pag­larga ng basketball event kung saan kasama nila ang Bahrain, Thailand at Jordan sa Group C.

Show comments