MANILA, Philippines — Magkakasubukan ang Gilas Pilipinas boys at China sa pag-arangkada ng 2023 FIBA U16 Asian Championship sa Al-Rayyan Indoor Hall sa Doha, Qatar.
Sisiklab ang aksyon sa alas-12:30 ng madaling araw bukas (Manila time) para sa unang salang ng Filipino teens sa Group D na tampok din ang Kazakhstan at Malaysia.
Misyon ng Gilas na manguna sa Group D upang makaabante agad sa quarterfinals ng 16-team Under-16 FIBA youth tourney sa kontinente.
Kakailanganin pa kasing dumaan ng segunda at tersera ranggong koponan sa qualification upang makasampa sa knockout playoffs habang ang kulelat sa kada grupo ay sibak na sa kontensyon.
Nakapasok ang Gilas boys, sa gabay ni head coach Josh Reyes, sa FIBA U16 matapos walisin ang SEABA Qualifiers kontra sa Malaysia, Thailand at host na Indonesia.
Sunod na makakaharap ng Nationals ang Kazakhs-tan at Malaysia bukas at makalawa, ayon sa pagkakasunod, para sa misyong malagpasan ang 7th place finish nito noong nakaraang edisyon na sa Qatar din ginanap.
Tatrangko sa Gilas boys sina La Salle Zobel teammates Kieffer Louie Alas at Irus Chua, na standouts din ng NBA Academy Asia, matapos pamunuan ang sweep ng Gilas sa Southeast Asia.