MANILA, Philippines — Papalo ang inaabangang salpukan ng collegiate volleyball players sa 2023 Shakey’s Super League (SSL) Pre-Season Collegiate Championship ngayong araw sa The Arena sa San Juan City.
May 16 koponan ang maglalaban-laban para sa korona sa taong ito.
Nangunguna sa lista-han ang defending champion National University at reigning NCAA titlist College of Saint Benilde.
Nasa Pool A ang Lady Bulldogs kasama ang University of the East, San Sebastian College-Recoletos at Jose Rizal University.
Pasok naman sa Pool C ang Lady Blazers gayundin ang University of Santo Tomas, University of Perpetual Help System Dalta at Colegio de San Juan de Letran.
Nasa Pool B ang Adamson University, Arellano University, Lyceum of the Philippines University at San Beda University habang nasa Pool D ang Ateneo de Manila University, Far Eastern University, Mapua University at Emilio Aguinaldo College.
Idaraos ang simpleng opening ceremony sa ala-1:30 ng hapon kasunod ang duwelo ng Lady Altas at Golden Tigresses sa alas-3 ng hapon.
Lalarga rin ang salpukan ng San Beda at Arellano sa alas-5 ng hapon.
Magbabalik-aksyon ang liga bukas (Linggo) tampok ang laban ng Lady Warriors at Lady Bombers sa alas-11 ng umaga, Lady Pirates at Lady Red Spikers sa alas-2 ng hapon, at Lady Chiefs at Lady Falcons sa alas-5 ng hapon.
“Maganda ‘yung campaign namin last time sa Invitationals. Sana magtuluy-tuloy na maging avenue ito as we prepare for the big league,” ani UST assistant coach Lerma Giron.
Sasandalan ng UST sina Angeline Poyos at Bernadett Pepito na itinanghal na First Best Outside Hitter at Best Libero sa National Invitationals.