MANILA, Philippines — Sapul nang pagharian ng United States ang 2014 FIBA World Cup sa Seville, Spain ay nag-iba na ang antas ng kompetisyon sa torneo.
Ito ang obserbasyon ni Team USA coach Steve Kerr matapos ang kanilang 111-113 kabiguan sa Germany sa semifinals noong Biyernes sa MOA Arena sa Pasay City.
“Players are better all over the world, teams are better,” wika ng Golden State Warriors mentor. “It’s not easy to win a World Cup or the Olympics.”
Mga bagitong players ang nagsuot ng Team USA uniform at hindi ang mga kagaya nina LeBron James at Anthony Davis ng Los Angeles Lakers,, Stephen Curry at Klay Thompson ng Golden State Warriors, Kevin Durant at Devin Booker ng Phoenix Suns at Kawhi Leonard at Paul George ng LA Clippers.
Sa kanilang kabiguan sa mga Germans ay humataw si Anthony Edwards ng 23 points habang may 21 at 17 markers sina Austin Reaves at Mikal Bridges, ayon sa pagkakasunod.
Nagsimulang magdomina ang USA sa Olympics noong 1992 sa Barcelona, Spain sa pagpaparada sa tinaguriang ‘Dream Team’ na nagposte ng average winning margin na 44 points.
Isang ‘Dream Team’ din ang naglaro sa 1994 FIBA World Cup sa Toronto, Canada.