MANILA, Philippines — Dadalhin ni Jia Morado ang talento nito sa Japan matapos pumirma ng kontra sa Denso Airybees na naglalaro sa Japan V.League Division 1.
Pormal nang inihayag ng Denso ang pagkuha nito kay Morado sa kanilang mga social media accounts.
Mainit itong tinanggap ng Denso na inaasahang makakatulong sa kampanya ng kanilang koponan sa 2023-2024 season ng Japan V.League.
“I play as a setter, and I am really looking forward to contribute everything I can for the Denso Airybees,” ani Morado sa post ng Denso.
Ito ang unang pagkakataon na maglalaro si Morado bilang import sa international scene.
Si Morado ang ikalawang Pinay na maglalaro sa season na ito sa Japan V.League kasama si Jaja Santiago na lumipat sa JT Marvelous.
Makakasama ni Morado bilang setter ng Denso sina Ayane Furuichi at Yuka Yamaguchi.
Base sa schedule ng Japan V.League, unang makakaharap ng Denso ang defending champion NEC Red Rockets sa Oktubre 28 kung saan inaasahang mabibigyan ng playing time si Morado. Magtatagpo naman sina Morado at Santiago sa paghaharap ng Denso at JT Marvelous sa Nobyembre 4.
Suportado naman si Morado ng Creamline management.
Malaking kawalan si Morado sa Cool Smashers dahil ito ang kanilang top setter.
Maiiwan ang pasanin sa playmaking kay reserve setter Kyle Negrito na siyang magmamando sa Cool Smashers sa PVL Reinforced Conference na nakatakdang magsimula sa Oktubre 16.