USA, Serbia swak sa semis

Tila naging gagamba sina Marko Guduric ng Serbia at Donatas Motiejunas ng Lithuania sa agawan sa rebound sa FIBA World Cup.
Russell Palma

MANILA, Philippines — Nang iposte ng mga Americans ang 22-point lead sa halftime ay hindi na nakabalik sa laro ang mga Italians.

Humataw si Mikal Bridges ng 24 points tampok ang apat na three-point shots para sa 100-63 pag­lampaso ng Team USA sa Italy patungo sa semifinals ng 2023 FIBA World Cup kagabi sa MOA Arena sa Pasay City.

Nagdagdag si Tyrese Haliburton ng 18 markers, 5 assists, 4 rebounds at 3 steals habang may 12 points si Austin Reaves para sa mga Americans.

Ang jumper ni Bridges ang nagbigay sa Team USA ng 62-34 bentahe sa 6:36 minuto ng third period hanggang ibaon ang mga Italians sa 83-44 sa pagsasara nito.

Nagsalpak si Haliburton ng dalawang sunod na three-point shots para sa 92-81 pagtambak ng mga Americans sa mga Italians sa 6:09 minuto ng fourth quarter.

Tuluyan nang sinelyuhan ni big man Walker Kessler ang panalo ng US mula sa kanyang layup para sa 40-point lead, 100-60, sa huling 1:29 minuto ng labanan.

Sasagupain ng US ang mananalo sa quarterfinals game ng Germany at Latvia ngayong alas-4:45 ng hapon sa Pasay City venue.

Sa unang laro, humugot si Atlanta Hawks shoo­ter Bogdan Bogdanovic ng 18 sa kanyang 21 points sa sa first half para igiya ang Serbia sa 87-68 panalo sa Lithuania patungo sa semis.

Inialay ni Bogdanovic ang panalo para kay teammate Borisa Simanic na tinanggalan ng isa sa kanyang dalawang kidney matapos masiko sa kanilang group stage game ng South Sudan.

“For him just to think about us after everything that happened to him, he united us, and that’s an amazing guy. This is for him,” wika ni Bogdanovic.

Lalabanan ng Serbia sa semis ang mananaig sa quarterfinals match ng Canada at Slovenia nga­yong alas-8:30 ng gabi sa Pasay City venue.

Sinapawan ng L­i­thuania ang US, 110-104, sa pagtiklop ng second round para kumpletuhin ang pagwalis sa dalawang group stages.

Naglista si Tadas Sedekerskis ng 14 points at may 13 at tig-11 markers sina Rokas Jokubaitis, Ignas Brazdeikis at NBA center Jonas Valanciunas, ayon sa pagkakasunod.

Show comments