Basketball ginagamit ng South Sudan para sa pagkakaisa at kapayapaan
MANILA, Philippines — Pagmamahalan at kapayapaan.
Iyan ang mensaheng nais mapatunayan at maipahayag ng South Sudan sa makasaysayang kampanya nito sa 2023 FIBA World Cup.
Sa unang pagkakataon ay nakasali sa World Cup ang South Sudan at naka-iskor din ng unang panalo kontra sa China, 89-69, upang magbigay ng inspirasyon sa gitna ng mga dating kaguluhan at hindi pagkakaunawaan sa kanilang bansa.
“Through basketball, we use that vessel for peace and changing the narrative in the country. Everybody is watching us so they come together, they unite,” ani head coach Royal Ivey na dati ring player at ngayon ay assistant coach sa Houston Rockets sa NBA.
Hindi nakapasok sa second round ang South Sudan hawak ang 1-2 kartada matapos ang 96-101 overtime loss sa Puerto Rico at 83-115 pagkatalo sa Serbia subalit malaking bagay na para sa South Sudan maging dahilan ng pagkakaisa sa kanilang mga kababayan.
Noong 2011 lang naging independenteng bansa ang South Sudan mula sa Sudan bago unang maglaro sa international stage kamakailan lang subalit malayo na agad ang narating sa loob at labas man ng basketball para sa kanilang bansa.
At ngayon, hindi paaawat ang South Sudan na buhay pa ang pag-asang masikwat ang nag-iisang tiket ng Africa sa Paris Olympics sa kanilang laban kontra sa Angola at Gilas Pilipinas sa classification round (17th hanggang 32nd).
- Latest