MANILA, Philippines — Babanderahan ni Tokyo Olympics gold medalist Hidilyn Diaz-Naranjo ang anim pang national weightlifters sa pagsabak sa IWF World Championships sa Riyadh, Saudi Arabia.
Ang nasabing qualifying tournament na kailangan para makalahok sa 2024 Olympics sa Paris, France ay nakatakda sa Setyembre 4 hanggang 17.
Hangad ng 32-anyos na si Diaz-Naranjo ang tiket sa Paris Olympic na posibleng maging huli na niyang pagbuhat sa quadrennial event kasunod ang tuluyan nang pagreretiro.
Sasalang ang tubong Zamboanga City weightlifter sa mas mabigat na women’s 59-kilogram division matapos alisin ang nilalaruan niyang 55kg class sa calendar of events ng 2024 Paris Games.
Makakaagawan ni Diaz-Naranjo sa tiket para sa 2024 Paris Olympics ang kakamping si Elreen Ando na inangkin ang gold medal sa nasabing weight class sa nakaraang 32nd Southeast Asian Games sa Cambodia noong Mayo.
Bukod kina Diaz-Naranjo at Ando, ang iba pang lalahok sa world championships sa Riyadh ay sina world junior champion Vanessa Sarno at Kristel Macrohon sa women’s 71kg, Rosegie Ramos at Lovely Inan sa women’s 49kg at John Febuar Ceniza sa men’s 61kg.