MANILA, Philippines — Kumpiyansa si Philippine Olympic Committee (POC) president Rep. Abraham “Bambol” Tolentino na kayang manalo ni pole vaulter Ernest John Obiena ng medalya sa 2024 Olympic Games sa Paris, France.
Ibinase ni Tolentino ang kanyang opinyon sa ipinakita ni Obiena sa mga sinalihang international tournaments.
“It’s a year to go before Paris, one full year for EJ to get better and better,” ani Tolentino sa World No. 3 pole vaulter. “He’ll have plenty of time to focus on setting the bar higher, and qualifying for Paris won’t be one of his challenges anymore, he’s in.”
Ang 6-foot-2 na si Obiena pa lamang ang Pinoy athlete na nakapagbulsa ng tiket para sa 2024 Paris Games matapos makuha ang Olympic standard na 5.82 meters sa nilahukang Bauhaus Galan event sa Sweden noong Hulyo.
Nagmula ang 27-anyos na si Obiena sa pagsikwat sa silver medal sa nilundag niyang 6.0 meters sa 2023 World Athletics Championships sa Budapest, Hungary noong Linggo.
“It’s not only skills and physicality that’s gone elite on EJ, but his focus and mental approach to his sport,” sabi ni Tolentino sa three-time Southeast Asian Games champion.
Nakaharang sa landas ni Obiena para sa Olympic gold sa Paris ay si Olympic champion at world record holder Armand Duplantis ng Sweden.
Tinalo ng Swede si Obiena sa world championships sa Budapest sa itinalang 6.10 meters para sa gintong medalya.
Nauna nang binigo ng Asian Games winner na si Obiena si Duplantis sa Diamond League’s leg sa Brussels noong Disyembre sa kanyang itinalang 5.91 meters kumpara sa 5.81 meters ng huli.
Sunod na lalahukan ni Obiena ang 19th Asian Games sa Hangzhou, China sa susunod na buwan.