Gilas delikado rin sa Olympic spot

MANILA, Philippines — Bukod sa tiket sa second round ay nasa balag na rin ng alanganin ang tsansa ng Pilipinas para makapaglaro sa 2024 Olympic Games sa Paris, France.

May 0-2 record kasi ang Gilas Pilipinas sa Group A ng 2023 FIBA World Cup kagaya ng Lebanon sa Group H, habang bitbit ng Japan ang 1-1 kartada sa Group E.

May magkakatulad na 0-1 marka naman ang China (Group B), Jordan (Group C) at Iran (Group G).

Ang nasabing mga bansa ang kaagaw ng Nationals sa pagiging best Asian team sa kanilang mga grupo para sa tsansa sa Olympic berth.

“In the end it’s going to be dependent I think on the other games. It’s not going to be in our hands,” sabi ni coach Chot Reyes. “The only thing that is within our control right now is the next game. We can’t worry about other things that are going.”

Huling nakapaglaro ang mga Pinoy cagers sa Olympics noong 1972 na idinaos sa Munich, Germany sa pamumuno nina Bogs Adornado, Jimmy Mariano, Freddie Webb, Danny Florencio at Narciso Bernardo.

Para magkaroon ng pag-asa sa Olympic spot ay kailangang talunin ng Gilas Pilipinas ang No. 10 Italy (1-1) ng 13 o higit pang puntos ngayong gabi kasabay ng kabiguan ng Japan sa Australia (1-1).

Show comments