MANILA, Philippines — Sumuko si No. 3 seed Alex Eala kay No. 6 ranked Destanee Aiava ng Australia, 6-3, 4-6, 1-6, sa kanilang finals duel sa W25 Aldershot tournament sa Great Britain.
Sa kabila ng kabiguan ay maganda pa rin ang naging kampanya ng 18-anyos na Pinay netter sa nakalipas na dalawang linggo tampok ang pagrereyna sa W25 Roehampton sa London.
“Ended my 9 match winning streak today. But still got to bring home a finalist trophy from this W25k tournament,” sabi ni Eala na nauna nang nagwagi sa nakaraang W25 Yecla sa Spain noong Hunyo, sa 2022 W25 Chiang Rai sa Thailand at sa 2021 W15 Manacor sa Spain.
Mula sa 3-0 kalamangan ay tuluyan nang inangkin ng WTA World No. 248 na si Eala ang first set, ngunit nakatabla naman ang 270th-ranked na si Aiava sa second frame, 6-4.
Sinamantala ng 23-anyos na si Aiava ang double fault ni Eala para sa kanyang 2-0 abante patungo sa paglilista ng 5-0 bentahe at selyuhan ang kanyang panalo.
Ito ang ikaanim na ITF title ni Aiava.