MANILA, Philippines — Sisimulan ni Olympian Eric Cray ang kanyang misyon para sa hangad na makapaglaro sa 2024 Olympic Games sa Paris, France.
Sasalang ang six-time SEA Games gold medalist sa heats ng paborito niyang men’s 400-meter hurdles sa 2023 World Athletics Championships sa Budapest, Hungary.
Ito ang ikalawang pagkakataon na lalahok ang 32-anyos na Fil-Am trackster sa world championship matapos noong 2013 sa Moskva, Russia kung saan siya na-disqualified dahil sa isang false start.
Kasalukuyang hawak ni Cray ang national record para sa 400-meter hurdles at 100 meters sa mga tiyempong 48.98 segundo at 10.25 segundo, ayon sa pagkakasunod.
Sasabak naman si Asian champion Robyn Brown sa women’s 400-meter hurdles para sa hangaring makakuha ng Olympic berth sa Paris.
Nagmula si Brown, isa ring national record holder, sa pagtakbo sa gold medal sa nakaraang Asian Championships sa Thailand para maging unang Pinay na nagreyna sa torneo matapos si long jumper Marestella Torres noong 2009.
Kasama rin nina Cray at Brown sa world championship si Olympian pole vaulter Ernest John Obiena na target ang kanyang ikalawang sunod na Olympic stint matapos sa Tokyo, Japan noong 2021.