MANILA, Philippines — May higanteng patikim ang Pilipinas para sa papalapit na FIBA World Cup hosting nito sa Agosto 25 hanggang Setyembre 10.
Sa isang pambihirang transpormasyon ay inilunsad ang pamosong Mall of Asia Arena globe bilang malaking bola na swak sa ring para sa World Cup na iko-co-host ng Pilipinas kasama ang Indonesia at Japan.
Sakto ito sa pagdating ng mga fans at teams ng 32-team World Cup kasama na ang mga opisyal ng lagpas 200 international federations para sa FIBA World Congress na gaganapin din bago ang mismong mga laro.
Sa Pilipinas din gaganapin ang FIBA Hall of Fame ceremony tampok si Caloy Loyzaga, ang ikinukunsiderang Greatest Filipino Player of All Time, bilang isa sa mga inductees.
Bilang main host ay 16 teams ang natoka sa Pinas na nahati sa apat na grupo.
Bida sa Group A ang Gilas Pilipinas kasama ang Group B sa Smart Araneta Coliseum habang ang Group C, sa pangunguna ng Team USA, at Group D ay sa MOA.
Ang MOA rin ang magsisilbing host ng final phase kabilang ang championship kaya doon naka-display ang higanteng bola na dagdag atraksyon para sa mga fans.
Sa MOA lilipat ang mga teams na aabante mula sa Araneta pati na sa Jakarta, Indonesia at Okinawa, Japan ng three-nation World Cup hosting.