MANILA, Philippines — Handang-handa na ang Philippine national soft tennis team sa pagsabak sa darating na 19th Asian Games sa Hangzhou, China sa susunod na buwan.
Ito ang sinabi kahapon ni veteran Bien Zoleta-Manalac at mga coaches na sina Divine Escala at Michael Enriquez sa Tabloids Organization in Philippine Sports, Inc. (TOPS) ‘Usapang Sports’ sa PSC Conference Room sa Vito Cruz, Manila.
Matapos ang matagumpay na kampanya sa 32nd Southeast Asian Games sa Cambodia noong Mayo ay sumabak ang koponan sa Incheon Bank Korea Cup at Thailand Open.
Noong 2014 (Incheon, Korea ) at 2018 Palembang, Indonesia) Asian Games editions ay bigo ang 27-anyos na si Zoleta na maka-podium finish.
“Nandoon na nasa match point na, konting tumbling na lang bronze na sana,” wika ni Zoleta. “Kaya on my personal campaign this coming Asian Games is truly the ultimate battle.”
Tiniyak naman ni Escala na matibay ang koponang isasabak ng bansa sa Hangzhou Asiad.
“Napatunayan nila ang kanilang kakayahan. We won three golds, one silver and two bronze medals sa SEA Games with Bien (Zoleta) defending the women’s title with partner Princess Catindig,” ani Escala sa public sports forum na itinataguyod ng Philippine Sports Commission, Behrouz Persian Cuisine at Pocari Sweat.
Bukod kina Zoleta at Catindig, sigurado na rin sa Asian Games roster sina Johnny Arcilla, Christy Sanosa, Fatima Ayesha Amirul, Noelle Nikki Zoleta at Virvienica Bejosano base sa SEAG gold at silver criteria ng Philippine Olympic Committee (POC).