Paghahanda sa Hangzhou Asian Games isyu sa TOPS

MANILA, Philippines — Ilalahad ng Philippine Soft Tennis team ang kanilang preparasyon para sa 19th Asian Games sa Hangzhou, China sa Tabloids Organization in Philippine Sports, Inc. (TOPS) ‘Usapang Sports’ ngayon sa PSC Conference Room sa RMSC sa Malate, Manila.

Pamumunuan nina Bien Zoleta-Mañalac at Princess Catindig ang soft tennis team kasama sina Dheo Talatayod at coach Divine Escala sa pagbibigay ng impormas­yon para sa paghahanda sa Asiad sa lingguhang sports forum sa ganap na alas-10:30 ng umaga.

Hinirang na double gold medalists sina Zoleta-Manalac at Catindig sa nakalipas na SEA Games sa Cambodia matapos magwagi sa women’s double event.

Pinangunahan nila ang women’s squad kasama sina Christy Sanosa, Fatima Ayesha Amirul, Noelle Nikkie Zoleta at Virvienica Bejosano sa team competition.

Si Talatayod ay bahagi naman ng men’s team na kinabibilangan nina Adjuthor Moralde, George Mendoza, Mark Anthony Alcoseba, Sherwin Nuguit at Joseph Arcilla na umani ng bronze medal sa team competition.

Sumikwat din ng gold sa men’s single si Arcilla.

Makakasama nila sa programang itinataguyod ng Philippine Sports Commission, Behrouz Persian Cuisine at Pocari Sweat sina Philippine Canoe-Kayak and Dragon Boat Federation (PCKDF) president Len Escollante at Philippine Taekwondo Federation (PTF) Secretary-General Rocky Samson para sa pinakabagong kaganapan sa kani-kanilang sports.

Ang naturang forum ay mapapanood via live strea­ming sa TOPS Usapang Sports official Facebook page at sa Channel 8 ng pinakabagong mobile network app na PIKO (Pinoy Ako).

Show comments