MANILA, Philippines — Tuluyan nang inangkin ni No. 6 seed Alex Eala ang korona ng W25 Roehampton matapos gibain si Australian second ranked Arina Rodionova, 6-2, 6-3, sa National Tennis Centre sa Great Britain.
Ito ang ikaapat na singles title ng 18-anyos na Pinay tennis sensation sa ITF Women’s World Tennis Tour ngayong taon.
Idinagdag niya ang W25 Roehampton crown sa nauna niyang nakamit na tropeo sa 2023 W25 Yecla sa Spain, 2022 W25 Chiang Rai sa Thailand at 2021 W15 Manacor sa Mallorca.
Sunod siyang sasabak sa British event ng W25 Aldershot.
Inihandog ni Eala ang panalo sa kanyang mga magulang na magdiriwang ng ika-25 anibersaryo.
“ITF Pro Title #4! I Just in time for my parents 25th Anniversary tomorrow! Love you mom and dad,” sabi ni Eala, ang World No. 250 ranked sa kanyang panalo sa World No. 166 na si Rodionova.
Ang 33-anyos na si Rodionova ay isang 13-time ITF titlist.
Nauna niyang tinalo sina WTA World No. 208 at third-seeded Arianne Hartono ng Netherlands sa semis, World 201 ranked top seed Priscilla Hon sa quarterfinals, World No. 289 Destanee Aiava sa second round at World No. 781 qualifier Gabriella Da Silva Fick sa first round.
Samantala, bigo ang two-time junior Grand Slam doubles champion at ang katambal na si Aiava kina No. 1 seeds at eventual runners-up Talia Gibson at Petra Hule ng Australia, 1-6, 5-7, sa quarterfinals ng doubles.