Rivero tuloy na sa PBA
MANILA, Philippines — Sa PBA na ang tuloy ni dating collegiate star Ricci Rivero matapos mapurnada ang paglalaro sana sa overseas league.
Inanunsyo ni Rivero mismo ang deklarasyon niya sa paparating na 2023 PBA Rookie Draft sa Setyembre 17 sa Market! Market! Taguig City bilang isa sa inaasahang top prospects.
“It’s always been the dream,” ani Rivero sa Power and Play program ni dating PBA Commissioner at PSC chairman Noli Eala.
Matatandaang noong nakaraang taon ay pumirma si Rivero sa Taoyuan Pilots sa P.League+ ng Taiwan upang magsilbing world import pagkatapos ng kanyang karera sa UAAP.
Subalit hindi ito natuloy dahil sa natamo niyang injury papasok sa regular season na dahilan ng kanyang pagkakatanggal sa koponan.
Ngayon, handa na ang 25-anyos na star na matupad ang pangarap sa PBA lalo’t lumaki bilang solidong fan ng “Fast and Furious” tandem nina Jayjay Helterbrand at Mark Caguioa ng Barangay Ginebra.
Minsan nang naglaro si Rivero sa PBA 3x3 bago subukan ang kanyang kilatis sa PBA Rookie Draft na katatampukan ng iba pang pambatong prospects mula sa collegiate scene at Filipino-foreign players sa abroad.
Kilala si Rivero bilang isa sa lider ng University of the Philippines, na sinilat ang three-time champion Ateneo noong UAAP Season 84 upang mawakasan ang 36-year title drought ng Fighting Maroons kung saan tumikada siya ng 13.78 poiunts, 4.17 rebounds, 2.17 assists at 1.72 steals bago tumalon sa pros.
- Latest