Gilas nakahugot ng inspirasyon sa Filipinas

MANILA, Philippines — Binigyan ng Philippine women’s football team ng inspirasyon ang Gilas Pilipinas matapos nilang bisitahin ang koponan sa ensayo sa Philsports Arena sa Pasig City.

Pinamunuan ni striker Sarina Bolden ang Filipinas kasama sina team captain Hali Long, goalkeeper O­livia McDaniel, defender Inna Palacios at striker Chandler McDaniel.

Nagmula ang mga Pinay booters sa makasaysayang paglalaro sa 2023 FIFA World Cup sa New Zealand kung saan nila tinalo ang host country, 1-0, sa kanilang ikalawang laro.

Ang nag-iisang goal ay nagmula kay Bolden.

“We talked about it and showed it, and we said this is what we can do,” ani Gilas Pilipinas coach Chot Reyes sa naunang interview matapos ang nasabing winning goal ni Bolden.

Bagama’t minalas ang Filipinas sa group stage ng FIFA World Cup ay nag-iwan naman sila ng inspirasyon sa mga national athletes sa iba’t ibang sporting events.

Sunod na paghahandaan ng mga Pinay ay ang darating na 19th Asian Games sa Hangzhou, China na nakatakda sa Setyembre 23 hanggang Oktubre 8.

Show comments