MANILA, Philippines — Nagpaputok si amateur shooter Miguel Archangel Cruz ng bronze medal sa katatapos lamang na 5th World Rimfire at Air Rifle Benchrest Championships sa Pisen, Czech Republic.
Hinarap ng 15-anyos na si Cruz sa rim heavy rifle category ang mga benchrest rifle competitors mula sa 23 bansa na may 237 shooters.
Si Miguel, miyembro ng 10-man delegation mula sa Philippine Shooting Association (PNSA), ay sumailalim sa tatlong buwang amateur shooting training sa ilalim nina coach Jimmy Maniwang at Delia Quidato ng PNSA.
Bagama’t nagdala ng sariling rifle ay hindi naman niya ito nagamit at kinailangan siyang humiram ng rifle ng isa pang kalaban.
Sa kabila nito ay nagawa niyang gamayin ang rifle ng iba at nakuha ang tansong medalya laban sa mga Australian shooters na nanalo ng ginto at pilak.
Sinuportahan nina PNSA president si Congressman Faustino Michael Dy III at chairman (ret) Major General Natalio Ecarma III si Cruz sa pamamagitan ng pagpapadala ng ilan sa kanilang mga opisyales at coaches.
“Mas pagbubutihin ko pa po ang mga susunod kong pagsabak sa international competition upang makapag-uwi ng mas mataas na karangalan para sa bansa,” wika ni Cruz sa TOPS ‘Usapang Sports’ Forum na itinataguyod ng Philippine Sports Commission (PSC), Behrouz Persian Cuisine at Pocari Sweat.
Si Miguel ay isang senior high school student ng University of the Asia and the Pacific sa Pasig City.
Kaagad siyang binati ni Philippine Sports Commision (PSC) chairman Richard Bachmann dahil sa nakuha niyang karangalan sa world event.