MANILA, Philippines — Nabangasan na naman ang Gilas Pilipinas ilang linggo bago ang pagbubukas ng FIBA World Cup sa Agosto 25 sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.
Lumabas sa ilang ulat na hindi na makalalaro pa si Poy Erram na may iniindang injury sa kanyang tuhod.
Nadiskubre sa pagsusuri na namamaga ang tuhod nito at nangangailangan na ng agarang atensiyong medikal para hindi na lumala pa.
Posibleng sumalang ito sa operasyon na nangangailangan ng ilang buwan na pahinga.
Dahil dito, hindi na makalalaro si Erram sa FIBA World Cup at posible rin sa ilang laro ng Talk ’N Text sa nakatakdang pagbubukas ng PBA season.
Nauna nang nawala sa Gilas si reigning PBA MVP Scottie Thompson na nagtamo ng injury sa kamay.
Gayunpaman, masuwerte ang Gilas dahil malalim ang pool nito.
Inaasahang papalit sa puwesto ni Thompson si CJ Perez na sinubukan na ni head coach Chot Reyes na maging point guard ng Gilas sa pocket tournament sa Guangdong, China.
May ilang bigmen din na nakalinya sa Gilas kapalitan ni Erram gaya nina June Mar Fajardo at Japeth Aguilar.
Papasok na rin sa training camp si Kai Sotto na sumasailalim pa sa rehabilitasyon mula sa kanyang back injury.
Dagdag na puwersa pa ang pag-entra ni NBA star Jordan Clarkson na dumating na sa Maynila noong Martes.