MANILA, Philippines — Ang mga premyadong junior athletes ng shooting, swimming at motocross ang bibisita sa Tabloids Organization in Philippine Sports, Inc. (TOPS) ‘Usapang Sports’ ngayong umaga sa PSC Conference Room sa Malate, Manila.
Pamumunuan ni shooting protegee Miguel Archangel Cruz ang mga batang manlalaro sa pang alas-10:30 ng umagang lingguhang sports forum na itinataguyod ng Philippine Sports Commission, Behrouz Persian Cuisine at Pocari Sweat.
Nagpaputok ang 16-anyos na si Cruz ng bronze medal sa katatapos na 5th World Rimfire at Air Rifle Benchrest Championship sa Pisen, Czech Republic na nilahukan ng higit sa 20 bansa.
Makakasama ni Cruz sa sesyon ang ilang gold medalists sa swimming ng 2023 Palarong Pambansa na sina national record holder Jamesray Ajido, Miska Sy, Renzo Tirol at Yuan Parto (secondary) at sina Toby Barany, Claire Briana Lim (elementary) at makikiisa si Beatrice Mabalay via Zoom.
Dadalo rin sina moto champions Jasmin Jao, Jasper Marcellana, Francis Johan Bautista, Bhea Marcalla, Niejel Torre, Kylie De Leon at Rio Alexander Remolacio.
Iniimbitahan ni TOPS president Beth Repizo-Meraña ng PSNgayon/PM Pang Masa ang mga miyembro at opisyal gayundin ang mga sports enthusiasts na makilahok sa talakayan na mapapanood din sa official Facebook page TOPS Usapang Sports via livestreaming at sa Channel 8 ng pinakabagong mobile app network Pinoy Ako (PIKO).