Clarkson palaban sa FIBA World Cup

Nagpaunlak ng maikling interview si Jordan Clarkson paglapag sa NAIA Airport kahapon.
Miguel Antonio De Guzman

MANILA, Philippines — Palaban ang naging mensahe ni NBA star Jordan Clarkson.

Nagpaulak si Clarkson ng maiksing panayam kung saan excited na itong lumaro sa FIBA World Cup suot ang Gilas Pilipinas jersey.

Optimistiko rin si Clarkson na magiging maganda ang laban ng Gilas Pilipinas sa world meet.

“I think we got a good chance to do some things. To win some games,” ani Clarkson.

Nasa Maynila na si Clarkson upang makasama ang Gilas sa training camp nito para sa FIBA World Cup na aarangkada sa Agosto 25 sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.

Dumating kahapon si Clarkson sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1 kasama ang ilang miyembro ng entourage nito.

Galing si Clarkson sa 13 oras na flight mula Los Angeles, California patu­ngong Maynila.

Sinalubong ang Utah Jazz player ng ilang Samahang Basketbol ng Pilipinas officials sa airport.

Mainit itong tinanggap ng Pinoy fans kung saan dinumog na agad ito sa airport pa lamang.

Inaasahang magpapahinga muna ito ng buong Martes upang makarekober sa mahabang flight at makapag-adjust sa time zone.

Matapos nito, agad na sasalang si Clarkson sa ensayo ngayong araw kasama ang Gilas.

Nakatakdang sumalang ang Gilas sa dalawang tuneup games kontra sa national teams ng Montenegro at Mexico ilang araw bago ang FIBA World Cup opening.

Masaya si Gilas head coach Chot Reyes na narito na sa bansa si Clarkson upang makabuo na ng solidong game plan para sa FIBA World Cup.

Mapapalaban ng husto ang Pilipinas na nasa Group A kasama ang Dominican Republic, Angola at Italy.

Maliban sa panalo sa FIBA World Cup, target ng Pilipinas na maging top Asian country sa world meet para makasiguro ng tiket sa Olympic Games na idaraos sa susunod na taon sa Paris, France.

Show comments