MANILA, Philippines — Apat na gintong medalya ang pinana ni Naina Dominique Tagle ng Central Visayas sa secondary girls’ archery competition ng 2023 Palarong Pambansa kahapon sa STI Gold Toe Archery Center sa Barangay Barangka, Marikina City.
Wagi ang 16-anyos na pambato ng Silliman University sa secondary girls’ 30-meter, 50-meter, 60-meter at 1440 round, ngunit bigong maidagdag ang 70-meter na inagaw ni Venice Garcia ng National Capital Region (NCR).
Tampok sa mga panalo ni Tagle ang bagong record na 327 points sa 60m event para talunin sina Garcia (313 points) at Faith Novesteras (312 points) ng Central Luzon.
Pumana si Garcia ng 310 points para ungusan ang 306 points ni Tagle sa agawan nila sa gold medal sa 70m. Si Novesteras ang kumuha ng silver sa 30m, 50m at 1440 round.
Samantala, patuloy ang pagsunod ni Karl Jahrel Eldrew Yulo sa mga yapak ng kanyang kuyang si two-time world gymnastics champion Carlos Edriel Yulo.
Inangkin ng 15-anyos na si Yulo ng NCR ang mga gold sa individual all-around at team event ng men’s artistic gymnastics sa Rizal Memorial Coliseum.
Ito ang ikaapat na sunod na gold ni Yulo sa individual all-around event ng Palaro matapos noong 2017 sa Antique, 2018 sa Vigan at 2019 sa Davao City.
Sa swimming, naglista ng bagong Palaro record si Jennuel Booh De Leon ng Western Visayas sa secondary boys 50m backstroke.
Sa chess, nagsulong ang Calabarzon ng tatlong gold galing kina Jaymiel Piel, Mark Jay Bacojo at Rigil Kent Rosell Pahamtang at may apat sila sa swimming mula kina Matthew Thomas Alumbres, Hugh Alberto Parto, Peter Cyrus Dean at Ashby Jayce Canlas.