MANILA, Philippines – Dumiretso ang Leg 1 champion Indonesia sa ikalawang sunod na panalo matapos gibain ang Philippine team, 25-20, 25-22, 25-20, sa Southeast Asia Volleyball League (V.League) second leg sa City of Sta. Rosa Multi-Purpose Complex sa Laguna kamakalawa ng gabi.
May 2-0 record ang mga Indonesians at isang panalo na lang ang kailangan para makamit ang back-to-back leg crown, samantalang may 0-2 marka ang mga Pinoy spikers.
Humataw si Farhan Halim ng 19 points mula sa 18 hits at isang ace para pamunuan ang Indonesia na binugbog ang Vietnam sa opener, 25-23, 21-25, 25-14, 25-23, noong Biyernes.
Tinalo rin ng mga Indonesians ang mga Pinoy spikers sa Jakarta leg, 25-20, 25-22, 25-19, sa regional volleyball showpiece na inorganisa ni Philippine National Volleyball Federation (PNVF) president Ramon “Tats” Suzara.
Binanderahan ni Leg 1 Best Opposite Hitter Steven Rotter ang Pinas sa kanyang 13 points at nalimitahan si Bryan Bagunas sa pitong marka matapos pumalo ng 25 points sa kabiguan sa Thailand.
Nag-ambag si Marck Espejo ng 10 points para sa mga Pinoy sa torneong inihahandog ng PLDT kauwang ang City of Santa Rosa, Philippine Olympic Committee, Philippine Sports Commission, One Sports at Cignal.
Samantala, giniba ng mga Vietnamese ang mga Thais, 25-20, 25-19, 28-30, 21-25, 15-9, para sa magkatulad nilang 1-1 baraha.
Umiskor sina Thuan Nguyen Ngoc at Tien Duong Van ng tig-17 points para sa Vietnam na nakatikim ng 23-25, 26-28, 21-25 kabiguan sa Thailand sa Jakarta leg.