Cool Smashers, Ablaze magtutuos
MANILA, Philippines — Asahan ang matinding paluan sa pagitan ng reigning champion Creamline at Kurashiki sa pag-arangkada ng championship game ng PVL Invitational Conference ngayong araw sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Nakatakda ang engkuwentro ng Cool Smashers at Ablaze sa alas-6:30 ng gabi habang maghaharap sa battle-for-third match ang F2 Logistics Cargo Movers at Cignal HD Spikers sa alas-4 ng hapon.
Nauna nang nagtagpo ang Creamline at Kurashiki noong Biyernes sa huling araw ng semifinals kungsaan naitarak ng Japanese squad ang 25-20, 25-21, 18-25, 25-14 sa kanilang non-brearing game.
Matikas na winalis ng Kurashiki ang lahat ng limang asignatura nito sa semis habang nahulog sa 4-1 marka ang Creamline.
Ngunit burado na ang lahat ng ito.
Pinakaimportante ang paghaharap ng Cool Sma-shers at Ablaze sa championship showdown nito.
“We really want to win. Our Friday’s game allowed both teams to see each other’s tendencies. The team with a stronger resolve will win,” ani Ablaze head coach Hideo Suzuki sa pamamagitan ng interpreter.
Isa sa aasahan ng Ablaze si libero Takahashi Kaoru na solido ang floor defense kung saan nakalikom ito ng 16 excellent digs.
Inaasahang ilalabas ng Cool Smashers ang tunay na laro nito sa finals para madepensahan ang kanilang korona.
Mangunguna sa ratsada ng Creamline sina Alyssa Valdez, Jema Galanza at Tots Carlos na siyang pangunahing pinagkukunan ng puntos ng kanilang tropa.
Hahataw din si middle blocker Ced Domingo na nakapagpahinga matapos hindi maglaro noong Biyernes.
Makakasama ni Domingo sa gitna si Jeanette Panaga habang mamanduhan naman ni setter Jia Morado ang pagbuo sa plays katuwang si libero Kyla Atienza.