Sasagupain ang Cool Smashers
MANILA, Philippines — Nalusutan ng Kurashiki Ablaze ang matikas na hamon ng PLDT Home Fibr sa huling sandali ng laro upang itakas ang 25-15, 23-25, 25-14, 25-23 panalo at masiguro ang huling tiket sa finals ng Premier Volleyball League (PVL) Invitational Conference kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Sumulong ang Ablaze sa ikaapat na sunod na panalo para manatiling malinis ang rekord nito sa semifinal round.
Hindi maawat si Tamaru Asaka na nagpakawala ng 30 puntos mula sa 28 attacks at dalawang blocks habang sumuporta si Tanabe Saki na naglista ng 15 hits.
Nag-ambag naman si Hiraoka Akane ng 11 puntos samantalang may siyam na puntos na naidagdag si Tano Yukino para sa Japanese squad.
Makakasagupa ng Kurashiki sa championship showdown ang defending champion Creamline na nauna nang humirit ng puwesto sa finals tangan ang malinis na 4-0 rekord.
Lalaruin ang finals ng Ablaze at Cool Smashers sa Linggo sa alas-6:30 ng gabi.
Bago ang finals, maghaharap muna ngayong araw ang Creamline at Kurashiki sa huling araw ng semifinal round na magsisilbing preview ng kanilang finals showdown.
Bagsak ang High Speed Hitters sa 2-3 marka.
Nasayang ang 23 puntos at 10 digs na produksiyon ni outside hitter Honey Royse Tubino gayundin ang 15 markers ni Fiola Ceballos para sa PLDT.
Hindi rin napakinabangan ang 35 digs at 16 receptions ni libero Kath Arado para sa PLDT.
Lumamang ang Kurashiki sa attack line matapos magpako ng 69 kills laban sa 57 ng PLDT.
Nakaungos pa ng bahagya ang Ablaze sa blocks tangan ang 7-5 edge.