Bagsik ni Valdez nagbalik na!

Alyssa Valdez
PVL

MANILA, Philippines — Nagbalik na ang bagsik ni Creamline team captain Alyssa Valdez matapos ang ilang buwan na pahi­nga mula sa injury na tinamo nito noong nakaraang taon.

Kitang-kita ito sa semifinal round ng Premier Volleyball League (PVL) Invitational Conference kung saan tinulungan nito ang kanilang tropa na makuha ang dalawang sunod na panalo.

Dahil dito, solong-solo ng Cool Smashers ang liderato sa six-team semifinal round tangan ang malinis na 4-0 rekord.

Masaya si Valdez na nakakapag-ambag na ulit ito sa Creamline.

“Honestly, it feels good to finally contribute to the team and it’s nice that I can finally gauge the result of my hard work in the past eight months,” ani Valdez.

Malaki ang pasasalamat ni Valdez sa suportang natatanggap nito sa kanyang mga teammates na malaking tulong upang mas lalong mapabilis na maibalik ang kanyang laro.

“I’m just happy that they are here and we’re happy to help each other for the Cool Smashers,” ani Valdez.

Unang kumamada si Valdez ng matikas na laro laban sa F2 Logistics.

Umiskor ito ng 17 points sa 12-25, 25-15, 23-25, 30-28, 15-7 panalo ng Cool Smashers laban sa Cargo Movers noong Hulyo 20.

Muling umarangkada si Valdez nang kumana ito ng 22 puntos sa 23-25, 25-16, 25-21, 24-26, 15-10 pana­naig ng Creamline sa Cignal noong Hulyo 22.

Show comments