MANILA, Philippines — Ibinulsa ni Pinoy long jumper Janry Ubas ang gold medal sa Triveneto Meeting Internazionale sa Trieste, Italy.
Nagtala ang 32nd Southeast Asian Games champion ng 7.72 meters para sapawan ang 7.71m ni Olympian Lester Lescay Gay ng Cuba.
Pumangatlo si Thapelo Monaiwa ng Botswana na may 7.54m para sa bronze.
Nauna nang nilundag ni Ubas ang una niyang gintong medalya sa nakaraang Motonet Grand Prix sa Lappeenranta, Finland.
Inilista niya ang kanyang winning leap at tournament-best na 7.86m.
Nakatakdang sumalang si Ubas sa isang torneo sa Stuttgart, Germany sa Hulyo 29.
Kasunod nito ang pagsasara ng qualification window para sa world championship.
Hangad ng World No. 53 na si Ubas na makaipon ng ranking points na magbibigay sa kanya ng tiket para sa 2023 World Championships na nakatakda sa Agosto 19 hanggang 27 sa Budapest, Hungary.
Tanging ang Top 36 athletes lamang ang maglalaro sa world meet.
Pasok na sina World No. 2 pole vaulter EJ Obiena at Fil-American hurdler Robyn Brown.