E-Painters paghahandaan ang Jones Cup
MANILA, Philippines — Matapos ang magandang ipinakita sa PBA On Tour ay sasabak ang Rain or Shine sa 2023 William Jones Cup sa Taipei.
Para makasabay sa mga foreign teams sa torneong nakatakda sa Agosto 12 haggang 20 ay hinugot ng Elasto Painters si Gilas Pilipinas naturalized center Ange Kouame.
“Excited naman kami. I’ll give the guys maybe one week of rest and then patuloy na kami sa paghahanda ng Jones Cup,” wika ni coach Yeng Guiao sa panayam sa ‘Power and Play’. “This time, kasama na namin si Ange Kouame.”
Ang 6-foot-10 na si Kouame ang dedepensa sa shaded lane katuwang sina veterans Beau Belga at Jewel Ponferada.
Magbabalik ang Jones Cup sa eksena matapos mawala ng tatlong taon dahil sa COVID-19 pandemic.
Hindi ito ang unang pagkakataon na kakatawanin ng Rain or Shine ang Pilipinas sa isang international tournament.
Noong 2018 Asian Games ay naglaro ang halos buong line-up ng Elasto Painters at tumapos na pang-lima sa 3-2 kartada.
Sa pagsabak sa Jones Cup ay anim na korona ang inangkin ng Pinas, ang huli ay noong 2019 sa pamamagitan ng Mighty Sports.
“Gusto naming matuto, ma-experience ng mga locals namin kung gaano katindi ang competition dito (Jones Cup),” dagdag ni Guiao.
- Latest