Valdez inihatid ang Creamline sa panalo
MANILA, Philippines — Tinakasan ng nagdedepensang Creamline ang Cignal HD, 23-25, 25-16, 25-21, 24-26, 15-10, para mapanatiling malinis ang record sa semifinal round ng Premier Volleyball League (PVL) Invitational Conference sa harap ng 6,430 fans kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Humataw si Alyssa Valdez ng 22 points mula sa kanyang 18 attacks, dalawang blocks at dalawang aces para sa 3-0 baraha ng Cool Smashers sa semis.
Ang spike ni Valdez ang tuluyan nang sumelyo sa kanilang panalo sa HD Spikers.
Susunod na lalabanan ng Creamline ang guest team na Kinh Bac Bach Ninh ng Vietnam.
Samantala, mabilis na dinispatsa ng PLDT Home Fibr ang F2 Logistics, 25-21, 25-19, 25-18, upang masikwat ang unang panalo sa semis.
Bida si outside hitter Honey Royse Tubino na nagpasabog ng 20 points mula sa 18 attacks, isang block at isang ace para pamunuan ang High Speed Hitters.
Sumulong ang PLDT sa 1-2 rekord upang manatiling buhay ang pag-asang makapasok sa finals.
Nag-ambag si Fiola Ceballos ng siyam na puntos, habang umiskor sina middle blockers Dell Palomata at Mika Reyes ng pinagsamang 14 hits.
Matapos pumutok ng 27 points sa kanilang huling laro, nagkasya lamang si Myla Pablo sa 10 points para sa Cargo Movers na bumagsak sa 1-2 marka.
Sa unang laro, nanaig ang Choco Mucho sa Chery Tiggo, 25-20, 26-24, 25-15, para sa ika-pitong puwesto sa ranking.
May 22 points si Caitlyn Viray para sa Flying Titans.
- Latest