MANILA, Philippines — Sasalang sa dalawang malaking international tournaments ang Philippine national table tennis team sa Setyembre at Oktubre.
Naniniwala si Philippine Table Tennis Federation (PTTF) president Ting Ledesma na handa na ang mga Pinoy table netters sa pagsabak sa nasabing major international tournaments matapos ang impresibong kampanya sa sinalihang kompetisyon sa Brunei.
“We’re happy to say that table tennis is getting better and with the recent success of our national team for the past few months sa abroad,” ani Ledesma kahapon sa Tabloids Organization in Philippine Sports, Inc. (TOPS) ‘Usapang Sports’ sa PSC Conference Room sa Malate, Manila.
Ang national team ay binubuo ng mga players na isinabak sa nakaraang 32nd Southeast Asian Games sa Cambodia.
Hahataw sila sa Asian Championship sa Setyembre 3-10 sa South Korea at sa hosting ng bansa sa World Junior Championship sa Oktubre sa Puerto Princesa, Palawan.
“Malaki ang impact nito lalo na sa mga kabataan na patuloy na lumalaban para mapalakas ang table tennis,” dagdag ni Ledesma sa program ng PTTF bagama’t kulang sa pondo.
Binanggit din ng PTTF chief sa programang itinataguyod ng PSC, Behrouz Persian Cuisine at Pocari Sweat na galing sa mga kaibigan, private sector at sariling pera ang gagamitin ng koponan sa pagsabak sa Asian Championships.
“Wala naman kaming problema sa PSC, pero para mas maging mabilis ang proseso sa participation namin, naghahanap na lang ako ng makakatulong,” wika ni Ledesma. “After that, ire-reinburse ko na lang iyong gastos. Kumpleto naman sa resibo. Kung palarin at maibalik, laking pasasalamat. Kung hindi, okay na rin.”
Si Philippine No.1 women player Kheith Rhynne Cruz ang mamumuno sa national team sa Korea.
Nagmula ang 16-anyos na si Cruz sa pagbulsa ng dalawang gold medals (singles at doubles event) at pamunuan ang girls team sa silver sa team event sa SEA Youth table tennis championship sa Brunei.