MANILA, Philippines — Matapos ang matagumpay na pagdaraos ng Week 3 ng Volleyball Nations League (VNL) men’s tournament ay idaraos naman ng Pilipinas ang dalawang legs ng inaugural na Southeast Asia (SEA) VLeague men’s competition.
Hahataw ang torneo sa Hulyo 28 hanggang 30 sa City of Santa Rosa Multi-Purpose Complex sa Laguna.
“The VLeague aims to further strengthen and develop men’s volleyball in the region,” sabi ni Philippine National Volleyball Federation (PNVF) president Ramon “Tats” Suzara.
Ang VLeague ay isang serye para sa men at women indoor volleyball sa hanay ng Pilipinas, Thailand, Indonesia at Vietnam at kasama sa Southeast Asia Volleyball Association.
Ang Vietnam ang angat sa International Volleyball Federation (FIVB) men’s rankings sa pagiging No. 56 kasunod ang Thailand (No. 58), Pilipinas (No. 59) at Indonesia (No. 68).
Ang SEA VLeague ay brainchild nina Suzara at Thailand federation president Shanrit Wongprasert.
Ang City of Santa Rosa leg—inihahandog ng PLDT at suportado ng City of Santa Rosa, Philippine Olympic Committee, Philippine Sports Commission, One Sports at Cignal—ang magsasara sa single-round elimination competition.
Unang lalabanan ng mga Pinoy spikers ang Thailand sa Hulyo 28.
Samantala, gagawin naman ang women’s series sa Agosto 4 hanggang 6 sa Vihn Phuc, Vietnam at sa Agosto11 hanggang 13 sa Chiangmai, Thailand.