Gilas Boys pasok sa FIBA U16 Asian Championships

Ang Gilas Boys U16 habang nakikinig sa instruction ng kanilang coach.
SBP

MANILA, Philippines — Inangkin ng Gilas Pilipinas Youth ang isa sa dalawang tiket sa 2023 FIBA U16 Asian Championships matapos gibain ang Thailand, 85-49, sa 2023 U16 SEABA Championships sa GOR Kertajaya Surabaya sa Indonesia.

Nakatakda ang Asian competition sa Setyembre 17-24 sa Doha, Qatar.

Kumolekta si Kieffer Alas ng 18 points, 8 rebounds, 5 assists at 3 steals para sa 2-0 record ng mga Pinoy dribblers sa torneo.

Ang anak din ni dating PBA coach Louie Alas at kapatid ni NLEX guard Kevin Alas ang nanguna sa Gilas Boys sa 94-52 pagmasaker sa Malaysia sa kanilang unang laro.

Umiskor si Alas ng 13 markers sa first half para sa kanilang 39-24 halftime lead sa mga Thais patungo sa pagpoposte ng 36-point lead na sumelyo sa panalo nila.

Tangka ng Gilas Boys na tuluyan nang walisin ang single-round robin tournament sa pagharap sa host Indonesia.

Nagdagdag si Kurt Velasquez ng12 points habang may 10, 9 at tig-8 markers sina Joaquin Ludovice, Elijah Williams, Irus Chua, CJ Amos at Ziv Espinas, ayon sa pagkakasunod.

Show comments