Sotto hindi uli pinaglaro ng Magic

MANILA, Philippines — Hindi uli pinaglaro si Kai Sotto ng Orlando Magic sa 108-85 kabiguan nito kontra sa Indiana Pacers sa 2023 NBA Summer League kahapon sa Tho-mas and Mack Arena sa Las Vegas, Nevada.
Ito na ang ikalawang DNP-CD (Did not play – Coach’s decision) ni Sotto sa Summer League debut matapos ding mabangko sa 89-78 pagkatalo ng Magic kontra sa Detroit Pistons.
Umani ng batikos ang pagbangko kay Sotto, lalo na sa mga Pinoy na sumugod pa sa Las Vegas upang suportahan at makita sanang maglaro ang 7-foot-3 tower na si Sotto.
“We want Sotto,” anang ibang fans na rinig sa buong arena ayon sa ilang posts sa social media.
Si Sotto ang pinakamalaking player sa 22-man roster at isa sa tatlong sentro lang ng Magic kasama sina Robert Baker II at DJ Wilson.
Ang dalawang big men uli ang trumangko sa frontline ng Orlando sa kawalan ni Sotto subalit hindi pa rin sumapat para tapatan ang Pacers.
Sa katunayan ay pinahaba ni coach Dylan Murphy ang rotation ngayon sa 11 players mula sa 10 lang kontra sa Pistons pero sa kasamaang palad ay hindi pa rin kasama si Sotto.
Hindi sila umubra sa 21 at 17 puntos ng sophomores na sina Andrew Nembhard at Benedict Mathurin, ayon sa pagkakasunod para sa Pacers na may 2-0 kartada na matapos ang 91-83 panalo kontra sa Washington Wi-zards.
Sa ngayon ay may 0-2 baraha na ang Magic na sunod na sasagupa kontra sa New York bukas kung kailan aasang maipasok na si Sotto.
- Latest